Wednesday, January 19, 2011

Exploring the Filipino Psyche Day 5: 'Ang Pagbabati'

Ngayon naman ay susubok akong magsulat sa ating sariling wika. Panlimang araw na ito ng aking pagsasaliksik tunkol sa iba't ibang ugali ng Filipino, kung kaya't sa tingin ko ay medyo nababato na rin akong makipag Inglesan sa aking pakikipagkuwentuhan sa inyo. Maiba naman tayo ng konti, kahit sa maikling panahon lamang. Sige, uumpisahan ko na. Susubukan ko lang.

Para sa panlimang araw, ang aking pagbibigyang pansin ay ang batian ng mga Filipino. Kakaiba ang batian ng mga Pinoy. Kung mapapansin natin sa ating mga kaibigang dayuhan , pag matagal nang hindi nakita ang kaibigan banyaga ay mga "Hi. How are you?" ang balikan ng batian. Simple lamang, hindi ba? Kung gusto nila dagdagan ng konti ang tanong, ang malamang na susunod dito ay, "So, what do you do?" Nakarinig na tayo at nakipagsosyalan sa ganitong natural na balikan sa ating mga banyagang kaibigan. Ngayon naman ay pumunta tayo sa batian ng mga Filipino. Halimbawa ay may nakita tayong klasmeyt dati na matagal na nating hindi nakita o nalaman ang kanyang estado at kabuhayan, aba'y siyempre matutuwa tayo at baka pa nga ay magyayakapan. Meron ding "Hi. How are you?" na lalabas sa kuwentuhan. Pero maya't maya timbang na ang lalabas sa usapan. "Uy, kumusta na?" ang umpisa sa pagbati, pero maya't maya, "Parang tumaba ka." O hindi kaya'y "Ang taba mo ngayon ah!" Bakit kaya kasama ang timbang ng kaibigan sa kamustahan? Kailan kaya nagumpisa pansinin at isama ito sa ating pagbabati? Kung minsan naman ay pagkapayat ang i-hihirit. Pero parang ang madalas kong naririnig ay ang pagkataba. O baka naman ay yun ang malimit na pagbati sa akin...baka nga.

Sa aking pananaw ay tilang ugaling Pilipino lamang yan, sa tingin ko lang naman, itong pagbabati tungkol sa ating kabigatan o pag-gaan ng timbang. Dahil nuong sinubukan kong gamitin sa Inglesan ay medyo parang hindi tama at hindi gaano maganda. Pakinggan nga natin ulit: "Hi! How are you? Oh. You're fat now!" O hindi kaya'y, "Hi! How are you? It seems like you're fatter now." Parang mali... Malamang atin lang yan.

Isa pang kaugaliang Pinoy ay ang pagtanong ng personal na bagay kahit sa bagong kakilala. Pero nalaman ko rin na hindi ito ugaling Pinoy lamang, may ibang lahi na gumagawa rin nito. Kung minsan ay meron akong mga nakilalang mga tindera at manong na ang unang tinanong ay, "May asawa ka na?" Medyo kahit kasama ito sa ugaling Pilipino ay nagugulat pa rin ako sa biglang banat ng tanong na ito tunkol sa estado ng isang tao kahit na hindi man lang alam ang pangalan nito. At pag ang sagot mo ay, "Wala," ang susunod na tanong ay, "Bakit?" sabay kunot ng noo at pagtataka. Para bang napakalaki nang kasalanan mo at hanggang ngayon ay wala ka pang nakakasama. Napapaisip tuloy ako: "Aba...baka malabo nga akong tao!" Pero hindi naman siguro, nakasanayan lang natin siguro ang mga tanong na ganito. Kahit ang mga bisita natin na dayuhan, ayon kay Conrado de Quiros sa kanyang kolum kung minsan, ay natutuwa sa ating palakaibigan na ugali, pero nagugulat din sila sa mga tanong na "Are you married?" o pag may kasama silang babae ay diretso na "Is she your girlfriend?" Marami pang ibang batian na narinig ko sa aking lakbay at palakad-lakad o palabuy-laboy sa ating mga daan. Siguro nga isa akong tsismosa, dahil kahit hindi ko kilala ay pinapakinggan ko ang kwentuhan nila. Ito ang mga konting halimbawa nang mga batian na narinig ko:

Sa Pampanga: "Uy, parang pumapangit ka yata." (dalawang magkamaganak na matagal ng hindi nagkita)

Sa Iloilo : "May lahi ka bang baluga?" (bago lang nagkakilala)

Sa Manila : " P*%ng ina! Kumusta na?!" (dalawang magkaibigang matalik na biglang nagkita sa mall)

Syempre meron ding batian sa Ingles tulad ng, "Oh my gosh! I haven't seen you in ages! How are you na?"

Katuwa-tuwa naman at kagulat gulat minsan ang ating mga batian. Pero siguro ang pagiging personal sa ating pagbati ay pamamaraan lamang ng Pinoy na makuha ang loob ng kabila. Isa pang nauso ng mga panahon na ito ay ang pagtawag ng 'mommy' sa mas nakatatanda. Ang nanay ko nga ay nagulat nuong nagpunta kami sa ospital para magpatingin siya ng kanyang kalagayan. "Ay naku, mommy, kailangan ninyo magpahinga, mommy," ang sabi ng nars sa kanya. Napatingin sa akin ang aking ina. Paglabas ng nars ay napatanong siya, "Bakit mommy ang tawag niya sa akin?" Natawa ako sa nanay ko at ineksplika ko na lang na pamamaraan iyon ng lambing para sa mas nakatatanda sa kanila. Sabi niya mas gusto pa rin niya ang 'po' at opo' na lang, pero natuto na rin niyang tanggapin ang kakaibang estilo ng mga kabataan.

Ito ang Pinoy. Iba iba rin ang estilo ng batian sa isa't isa. Minsan siguro eh parang 'overfamiliar' ang dating ng mga tanong at tawagan natin, pero kasama lang siguro ito sa ating pagiging maalalahanin at palakaibigan sa iba. Siguro kakaiba nga at 'Made in the Philippines' nga talaga.

Kaya sa susunod na salu-salo, kesyo ang naging batian dito ay "Ang payat mo na" o hindi kaya'y "Tumaba ka", alalahanin na lang na isa itong pagbati na kamustahan lamang. Pero kung nasobrahan na ang banat at medyo nakakainis na ang bating personal...aba eh, 'di sige...barahin mo na.


2 comments:

  1. Napansin ko din yan. Nakakainis kahit di mo kilala tinatanong ka kung may asawa ka na. Minsan may nagtanong sa kin nyan.... ang sagot ko "bakit mo tinatanong?" :-)

    ReplyDelete
  2. Hahahaha!!! Ako rin! Eh yung nagtanong hindi ko kilala tapos yun yung unang tanong nya sa 'kin. So sabi ko sa kanya, "Dapat ang una mong tinatanong yung pangalan ko bago ang lahat. Sige nga, anong pangalan ko?" Hehehe...hindi nya nasagot. :-)

    ReplyDelete