Parang napupusuan ko nanamang magsulat sa wikang Filipino. Pero sige, para sa mga mas mahilig magbasa ng Ingles, gagawa ako ng 2 bersyon ng entry na ito. Malamang may kaunting kaibahan ang pagkuwento at bagsak ng pananalita ko dito. Ito siguro ay sa kadahilanan na iba ang takbo ng utak ko kapag ang aking pagsasalaysay as sa Filipino, at iba rin ang bagsak kapag Ingles naman ang gamit ko. Sige, umpisahan na natin 'to.
Ngayon naman ay titingin tayo sa araw-araw na pag-obserba sa maliliit na bagay na kasama sa ugaling Pinoy. Sa aking paglalalakbay sa mga daan ng ating bayan, may mga bagay-bagay na tila hindi na siguro natin masyado nabibigyang pansin. Malamang kasama na itong mga ito sa pagiging isang Filipino. Sa tulong ng pagpupuna ng sikat na komedyante sa Amerika na si Rex Navarrete, ang manunulat na si Bob Ong, aking pamilya, at ang mga matalik kong kaibigan na mahilig din tumingin tingin sa paligid natin at mag-obserba ng mga araw-araw na gawain ng ating kapwa Filipino, itong entry na ito ay nabuo.
Una nating papansinin ay ang mga bata. Hindi ko alam kung karamihan din ng bata na taga ibang bansa ay tumatakbo na para bang may kapa na nakatago sa loob ng mga t-shirt nila. Alam natin kapag batang Pinoy ang musmos na nagtatatakbo kapag may nakita tayong sumisilip na twalya sa kanilang mga likod, na para ba silang maliliit na super heroes at tinatago lamang sa mga kalaro nila na sila pala ay may powers.
Naiintindihan ko ang tuwalya na pang huli ng pawis sa mga likod ng batang nakikipaghabulan sa kanilang mga kalaro. Nasanay yata tayo maging preparado sa mga araw na brown-out at walang tubig, kung kaya't ang papalit-palit pa ng t-shirt ay makakadagdag ng labada na pwede naman sana'y iwasan kung lagyan nalang lamang ng tuwalya sa likod ng bata. Parang magaling yata ang Pinoy mag-isip ng paraan kung papaano makakatipid, pati maliit na bagay tulad nito ay naisip pa para lamang hindi mag-aaksaya ng tubig at sabon panlaba.
Mapunta naman tayo sa mga araw na walang ilaw, at madalas na pag walang ilaw o kuryente ay wala ring tubig. At dahil dito, handa ang Pinoy sa mga araw na ito--ang ating armas: tabo at timba. Nagtanong ako sa hindi naman maraming Pinoy, kung mayroon nga ba silang tabo at timba sa kanilang mga tahanan, apartment, o condo unit. Ang maraming sagot na aking na pulot ay matunog na "Siyempre!" May kasama pang kunot ng noo yung iba na para bang nagsasabing, "Ano bang klaseng tanong yan?!" Tama nga naman, pagkat pag dumalo tayo sa iba't ibang bahay, nagtataka tayo kapag walang tabo at timba tayong nakikita sa banyo ng ating kakilala. Pati na rin ang aking spiritual guru ay mayroon nito sa bahay nila. Naalala ko bigla nuong siya ay nagkukuwento sa amin ng isang beses tunkol sa pagligo niya. Habang nagkukuwento siya ay umaksyon siya na para bang sumasandok ng tubig sa timba gamit ang tabo at ibinuhos sa ulo. "So while I was washing up..." ang sabi niya. Napatingin sa kanya ang aming kasama na Inglatera at napatanong," Oh. May I ask, what are you doing with your hand?" Nagtaka kasi siya sa aksyon na ginawa ng aming guru. At duon ineksplika ng aming guru na dito sa Pilipinas ay mahirap ang tubig, lalo na kapag brown-out, kung kaya't mayroong tabo at timba ang maraming tahanan dito.
At dito pupunta tayo sa susunod na kapuna-puna, ang paggamit ng aksyon kapag tayo ay nagkukuwento sa isa't isa. Mayroon tayo kung tawagin sa Ingles na body language, at ito ay ginagamit kapag nagkukuwento sa iba. Minsan ito ay lumalabas na mukhang parang sayaw, kung minsan naman ay konting galaw lang naman ang ating isinasagawa. Madalas tayo gumamit ng aksyon sa pagkuwento na bilang pamamaraan sa pagusporta ng ating ini-istorya. Halimbawa, "Hay naku. Tinanong ko nga kanina eh... 'Are you joining us?'" At sa pagkuwento, kapansin pansin ang mga kamay na biglang gagalaw na lamang kapag binigkas na niya ang kanyang naitanong na 'Are you joinining us?' sa kaibigan. Sa kanyang mga galaw, maipapakita niya kung papaano niya naitanong ito. Kung siya ay nag-text para tanungin ang tanong niya, ang isang kamay ay kukulobot at huhugis na parang isang kamao habang ang kanyang hinlalaki ay pumipindot sa ere. Kung ito naman ay siguro tinanong niya gamit ang kompyuter, sa panahon ngayon malamang naitonong niya sa 'Facebook', ang mga daliri ng pareho niyang kamay ay magmumukhang nag pa-piyano sa ere. Ganun din kung telepono ang gamit ng isang tao, ang hinlilit ay tatapat sa bibig, habang ang hinlalaki ay nasa may tainga.
Ngayon punta naman tayo sa mga napuna ng komedyante na si Rex Navarrete. Isa sa kanyang napuna ay ang 'pilitan'. Ito ay ginagawa kapag bumisita ang isang Pinoy sa tahanan ng iba. Nakasanayan natin na kapag tayo ay pumunta sa bahay ng iba, at ang maybahay ay nagyaya sa atin na kumain kasama nila, o 'di kaya'y nag-yaya ng biskwit at juice, hindi dapat tayo umo-oo agad agad. "Hindi, sige. Okay lang ako," ang ating unang sagot sa unang yaya ng maybahay." "Sige na, kumain ka na. Likha..." ang yaya naman ulit ng may-ari ng tahanan. "Hindi, sige lang. Kain lang kayo," ang pangalawang sagot natin. "Hindi, likha na. Maupo ka dito," ang pilit ng maybahay, sabay hila na sa atin at papa-upuin sa may lamesa kasama ang kanilang buong pamilya. Sa panahon na ito, kakain na rin tayo.
Naalala ko bigla ang kwento ng tatay ko tunkol sa kanyang kaibigan na kasama niya papunta sa kanilang kakilala. Pagpasok sa bahay ng kanilang kakilala, nagyaya ito na kumain ang tatay ko at ang kaniyang kaibigan, na kasama niya at ang kaniyang pamilya. "Hindi, sige. Kumain na kami," ang sagot ng kaibigan ng tatay ko sa imbitasyon, kung kaya't naupo sila sa sala at nagkwentuhan na lamang dito. Pag-alis nila, biglang nagbulong ang kaibigan ng tatay ko sa kaniya, "Hindi man lang tayo pinilit," ang reklamo niya. Naghanap pala siya ng kaunting tulak bago sumagot ng 'oo' . Mukhang nasa ugali nga siguro natin ang may kaunting papilit-pilit muna bago pumayag sa isang imbitasyong kumain, o sa kaunting pakain na biskwit at juice.
Marami pang maliliit na bagay na kasama sa araw-araw ng pagiging isang Pinoy. Isa na rito ang paggamit ng lalagyan ng ice cream, madalas 'Magnolia' na kulay blue ito, para maitago muli ang mga adobo, menudo, o 'di kaya'y giniling na hindi naubos kahapon, o nuong isang araw pa, at dito na lamang itatago bago initin ulit (puna ni Rex Navarrete). Pagnakahain naman ang ulam at wala pang dumadating para kumain, tatakpan muna natin ang lahat ng ulam at kanin ng mga nakataob na plato. Siguro ito ay ginagawa dahil baka may pumuslit at pumasok sa bahay na isang langaw, kung kaya't preparado na ang ulam na nakaprotekta laban sa kanila. May mga bahay naman na ginawang baso ang mga dating lalagyan ng peanut butter na may tatak na "Lily's", at pagkatapos kumain, ayon kay Bob Ong, Pilipino ka nga kung kahit minsan sa buhay mo ay nakakita ka na ng toyo 'rings' sa lamesa. Ngayon naman, pagdating naman sa maraming tahanan dito sa Pilipinas, marami tayong makikita na nakasabit sa dingding na pintura ng 'Last Supper', mga kabayong tumatakbo, o 'di kaya'y mga asong nagbibilyar (puna naming magkakaibigan habang nagkwekwentuhan). At dahil marami sa atin ay Katoliko, maraming tahanan ang may altar at Sto. Nino.
Ang isang bagay na ikinatutuwa ko rin ay ang paggalang natin sa espasyo ng ating kapwa. Ayaw nating makaistorbo sa iba kung kaya't pag tayo ay dumadaan sa gitna ng dalawang tao na nag-uusap, para tayong nanliliit sa kuba dahil sa pagbaluktot ng katawan pagtayo'y dadaan. At ito rin ay hahaluan ng, "iksskss..." na ang ibig sabihin ay 'excuse me'.
Katuwa-tuwa nga naman ilakbay ang iba't ibang estilo at pamamaraan ng mga Pilipino. Kung iisa-isahin natin dito kung ano talaga tayo, eh baka abutin naman tayo ng siyam-siyam niyan. Siguro pakonti konti nating lakbayin at himayin ang ating kaugalian at tignan natin kung ano pa ang ating mapupuna sa susunod.
Eh, 'di paano, ganun ganun nalang muna. Magkita tayo sa uulitin.
Si Rex Navarrete ay isank sikat na stand-up comedian na naka base sa Amerika:
Hella Pinoy 1: http://www.youtube.com/watch?v=ABU9GTFEXos
Hella Pinoy 2: http://www.youtube.com/watch?v=mzkePde9MpY
Hella Pinoy 3: http://www.youtube.com/watch?v=CoPNsS1EiFo
Hella Pinoy 4:http://www.youtube.com/watch?v=Lz7lSHOwM-A
Hella Pinoy 5: http://www.youtube.com/watch?v=DhWhvGSU75g
Hella Pinoy 6: http://www.youtube.com/watch?v=NXDgsQk5RPc&feature=related
Hella Pinoy 7: http://www.youtube.com/watch?v=H83s8aipkKE&feature=related
Hella Pinoy 8: http://www.youtube.com/watch?v=jf9QFjHQ9kY
No comments:
Post a Comment